Sunday, January 26, 2014

Isang kumpisal

Tumigil ako sa pagsusulat noong araw na nagpasya ang aking manunulat na kasintahan na iwanan na ako para sa kaniyang bagong minamahal. Bago iyon matagal ko nang pinagsususpetsahan ang aking kasintahan na may iba na siyang sinusuyong babae, manunulat rin at propesor ng malikhaing pagsulat sa kolehiyo. Ngayon, sa aking pagbabaliktanaw, napagtanto ko na bago pa man dumating iyong araw na natuklasan ko ang kanilang itinatagong relasyon ay may mga nagkalat nang senyales at ebidensiya, ngunit sa aking pagkabulag - hindi sa pag-ibig ko sa kaniya, kundi sa konsepto ng ideyal na pag-ibig, iyong pag-ibig na tapat at hindi nanlilinlang - dinaan-daanan ko lamang ito, tulad ng isang inutil na imbestigador.

Malaking impluwensiya sa aking pagsusulat ang lalaking hindi ko na kasintahan ngayon. Siya ang aking pinakamabusising kritiko. Siya rin ang aking pinakamalaking tagahanga. Ang kaniyang papuri ay ang drogang itinuturok ko sa aking pagkataong laging naghahanap ng pagsang-ayon. Ang kaniyang puna ay lasong nilalagok at pinapanatili sa dibdib. Minahal ko siya at kinamuhian nang sabay. 

Ang mga araw ko ay umiikot sa kaniya, sa pagsusulat, sa paggawa ng zine, sa poetry nights, sa panonood ng pelikula, sa pagbili ng mga libro, sa pakikisalamuha sa mga kapwa manunulat. Tumatak sa akin na ganoon mamuhay ang isang manunulat at manlilikha ng sining. Nalango ako sa ganoong paraan ng pamumuhay.

Sa pag-usad ng aming relasyon nakita ko ang kabilang mukha ng manunulat kong kasintahan. Totoo, hinangaan ko ang kaniyang henyo sa pagsulat at paglikha. At marahil dahil sa paghangang ito nabuo ang isang de-kahong ideyal sa aking isip. Nakalimutan kong ang aking kasintahan ay tulad din ng karamihan sa ating madalas magkamali. Nakagawa ako ng listahang inilalatag ko sa aking isip at tahimik na ini-ekisan sa tuwing may mga bagay na hindi niya nagagampanan.

Nasaktan ako nang ibunyag niya ang kaniyang pagmamahal para sa bago niyang karelasyon. May isang kaibigang manunulat ang nagmungkahi na ireklamo ko sa kolehiyo ang babae sa pagiging imoral para mapatanggal ito sa pinagtatrabahuang paaralan. Masyado akong duwag para gawin ito. Sa isip ko, nasagasaan na nang sanlibong beses ang babae ng tren. Hanggang doon lang ang kaya ng galit ko.

Nadismaya akong madiskubreng ang mga manunulat pala ay may kakayahan ding makipagrelasyon sa mga taong may karelasyon nang iba. Na ang mga manunulat pala ay kaya ring lumikha ng pighati at ipamalas ito sa iba. Hinahanap ko ang pagkampi ng mga kapwa manunulat sa akin. Hinahanap ko ang pagkutya ng mga kapwa ko manunulat sa kanilang dalawa. Ngunit tahimik na tinanggap ng lahat ang kanilang relasyon. Ni walang nakaalala na bago sila naging magkasintahan ay may pinagsinungalingan muna sila. Nadismaya akong malamang tanggap pala ang mga ganitong uri ng pakikipagrelasyon sa komunidad ng mga manunulat. Binigo ako ng sining na aking sinamba. 

Umiwas ako sa mga pagtitipon ng mga manunulat pagkatapos noon. Umiwas akong makipagkita sa mga kaibigang manunulat na nakilala dahil sa kaniya. Dumalang nang dumalang ang aking pagsusulat. Tumigil ako sa pagsali sa kahit anong malikhaing proyekto. 

Malinaw sa aking isip na wala akong makukuha sa pagsusulat kundi panlilinlang at pighati.

Ito ang aking pagkakamali.

No comments: